Dapat maging maingat ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagbibigay ng impormasyon sa publiko sa gitna ng mga akusasyon ng red-tagging.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ng bagong talagang AFP Chief Lieutenant General Cirilito Sobejana na inatasan niya ang mga tauhan na maging deliberate sa paglalabas ng mga isyu.
Kinakailangan aniya na bago magbitiw ng akusasyon laban sa isang indibidwal o organisasyon ay mayroong sapat na ebidensiyang pinanghahawakan.
Kaugnay nito, nilinaw rin ni Sobejana na bagama’t miyembro ng AFP si Southern Luzon Command Chief Lt. Gen. Antonio Parlade ay nirerepresenta nito ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Mayroon aniyang sariling tagapagsalita ang AFP sa pamamagitan ni Major General Edgard Arevalo.
Samantala, bilang bagong talagang AFP chief ay nanawagan din si Sobejana sa publiko ng suporta at pakikiisa para masugpo ang insurgency.