Bagong talagang Comelec Commissioner Neri, pinapag-bitiw ng isang senador

Pinagbi-bitiw ni Senate Minority Leader Franklin Drilon si bagong talagang Commission on Elections Commissioner Aimee Torrefranca-Neri.

Kung hindi magbibitiw ay sinabi ni Drilon na tiyak na mahihirapan si Neri na makalusot sa Commission on Appointments (CA).

Payo ito ni Drilon kay Neri, kasunod ng alegasyon ni Atty. Ferdinand Topacio na nagbigay umano ng P10 milyong piso ang kanyang kliyente na si Herbert Colangco kay Neri noong ito ay justice assistant secretary para ayusin sa Korte Suprema ang conviction nito sa kasong robbery.


Para kay Drilon, mainam na magbitiw na si Neri para mailigtas ang sarili, ang Pangulo at ang COMELEC sa kahihiyan at anumang isyu na maaring makaapekto sa integridad ng nalalapit na eleksyon.

Paliwanag ni Drilon, ang isyu laban kay Neri ay nakakagambala at maaring maglagay sa alanganin sa pagganap ng Comelec sa constitutional duty nito na magsagawa ng patas, malinis, credible at matapat na eleksyon.

Tiniyak din ni Drilon na hindi makaka-impluwensya ang kahit na sinong backer ni Neri sa CA kung saan tiyak ding papaharapin si Atty. Topacio para patunayan ang kanyang mabigat na alegasyon.

Facebook Comments