Para kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, dapat sibakin na agad ni Pangulong Rodrigo Duterte si newly appointed Migrant Workers Secretary Abdullah Mama-o.
Ayon kay Drilon, usurpation of authority ang agad na pag-akto ni Mama-o bilang kalihim ng hindi pa naitatatag na Department of Migrant Workers o DMW.
Binanggit ni Drilon ang report na naglabas si Mama-o ng Department Order number 1 na nag-uutos sa lahat ng kinauukulang ahensya na magsama-sama para mabuo ang DMW.
Bukod sa paglalatag ng mga patakaran ay nabatid ni Drilon na naglabas din umano si Mama-o ng sarili nitong Implementing Rules and Regulations ukol sa pagtatag ng DMW.
Inihalintulad pa ni Drilon si Mama-o bilang isang hari na walang kaharian at ang mga hakbang nito ay nakakasira sa nakatakdang 2 taon na maayos na transition patungo sa DMW ng mga ahensyang o tanggapan sa gobyerno na may kinalaman sa Overseas Filipino Workers.
Paglilinaw ni Drilon, limitado pa ang kapangyarihan ni Mama-o na itinalaga para lamang maging miyembro ng transition committee kasama ang iba pang opisyal ng kinauuulang departamento.
Sa nakikita ni Drilon ay mali ang interpretasyon ni Mama-o sa Republic Act 11641 o ang batas na bumubuo sa DMW.