Matapos italaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang bagong presidente at chief executive officer ng PhilHealth, binalaan ngayon si dating National Bureau of Investigation Dir. Dante Gierran na huwag basta-basta magtitiwala sa pagpasok sa ahensya.
Ayon kay Gierran, binalaan siya ng kaniyang mga dating tauhan sa NBI na huwag siyang magtitiwala sa mga tao sa ahensya, lalo na’t wala siyang alam sa kalakaran sa loob.
Aniya, sinabihan ito ng kaniyang mga dating tauhan na para siyang pumasok sa pugad ng mga ahas na handang manuklaw anumang oras.
Bagamat aminado si Gierran na hindi madali ang pagsugpo ng korapsyon sa loob ng PhilHealth, tiwala naman siya sa limang units ng NBI na nag-iimbestiga sa mga iregularidad sa ahensya.
Ang mga ito aniya ay dating nasa ilalim ng kaniyang pamumuno kaya may mga natuklasan din siya.
Sa pag-upo sa PhilHealth, sinabi ni Gierran na unang gagawin niya ay ang kilalanin ang mga taong makakatrabaho sa loob ng state insurer.