
Iginiit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ang bagong likhang Task Force Philippines kasama ang Estados Unidos ay hakbang para mapatatag ang koordinasyon at depensa ng bansa sa gitna ng patuloy na banta sa kalayaan sa paglayag sa West Philippine Sea.
Sa press conference dito sa South Korea, sinabi ng pangulo na layunin ng task force na pag-isahin at ayusin ang operasyon ng dalawang hukbo upang mas maging epektibo sa mga pagsasanay at sa pagtugon sa mga hamon sa karagatan.
Iba na umano ang mga barko at kagamitan na ginagamit ng magkabilang panig, kaya kailangang magkaroon ng bagong estruktura para sa mas mahusay na ugnayan.
Giit ni Marcos, hindi layunin ng nasabing inisyatiba na palalain ang tensyon sa rehiyon kundi mapanatili ang kalayaan at kaayusan sa West Philippine Sea.
Aniya, nagkakaroon lamang ng sigalot kapag may gumagawa ng bago o hindi inaasahang hakbang, bagay na hindi bahagi ng kasunduang ito.
Sa ilalim ng Task Force Philippines, inaasahang mas magiging maayos ang koordinasyon sa mga pinagsamang operasyon sa karagatan, bilang bahagi ng patuloy na pagtindig ng bansa sa soberanya at karapatang pantubig nito.









