Isang bagong task group ang binuo matapos buwagin ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang Sub-technical working group on Vaccine development.
Ayon kay Department of Science and Technology (DOST) Secretary Fortunato Dela Peña, ang Sub-TWG on Vaccine Development ay papalitan ng Task Group on Vaccine Evaluation and Selection.
Ang bagong task group ang magiging responsable sa pagbibigay ng oversight para sa evaluation ng mga applications at pagsasagawa ng COVID-19 vaccine clinical trials sa bansa.
Sinabi ni Dela Peña, parehas pa rin ang mga miyembro nito kung saan nagsisilbing Chair ang DOST at direktang nagre-report kay Vaccine Czar Carlito Galvez Jr.
Trabaho ng task group na i-evaluate ang resulta ng COVID-19 clinical trials bilang bahagi ng inputs sa criteria para sa pagpili ng bakuna at magbigay ng rekomendasyon para sa evaluation at selection ng bakuna.
Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan nito sa bilateral partners na interesado sa local manufacturing at technology transfer.
Matatandaang nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 121 kung saan binibigyan ng awtorisasyon ang Food and Drug Administration (FDA) na mag-isyu ng Emergency Use Authorization (EUA) para sa COVID-19 vaccines at treatments.