Iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat magkaroon ng isang team na magmo-monitor sa aktibidad ng mga government officials at law enforces na na-dismiss dahil sa pagkakadawit sa ilegal na droga, korapsyon at panunuhol.
Ito ang pahayag ng Pangulo kasabay ng kanyang pangakong hahabulin ang mga tiwaling opisyal sa pamahalaan.
Sa kanyang Talk to the Nation Address, naniniwala si Pangulong Duterte na hindi hihinto ang mga ito sa kanilang ilegal na gawain.
Inatasan niya ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na bumuo ng listahan ng mga tao sa gobyerno at law enforcement na natanggal na sa serbisyo.
Mahalaga aniyang may magbabantay pa rin sa kanila kahit tinanggal na sila sa kanilang serbisyo.
Binigyang diin ng Pangulo na dapat masibak sa serbisyo ang mga kawani ng gobyernong sangkot sa korapsyon, bribery at malversation.
Bukod dito, aatasan din ng Pangulo ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na baguhin ang kanilang ruling sa mga nasuspindeng opisyal at agad na i-dismiss ang mga ito.
Hamon pa ng Pangulo sa mga nasibak sa pamahalaan na sampahan siya ng kaso.