Simula February 1, magpapatupad na ng panibagong testing and quarantine protocols ang Inter-Agency Task Force (IATF) para sa mga papayagang pumasok ng bansa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, lahat ng arriving passengers, saan man ang bansang kanilang pinagmulan, ay required sumailalim sa facility-based quarantine pagdating nila ng Pilipinas at sasailalim sila sa RT-PCR test sa ikalimang araw mula ng pagdating nila sa bansa maliban na lamang kung ang isang pasahero ay agad nagpakita ng sintomas ng COVID-19 habang sila ay nasa quarantine facility.
Kapag ang isang pasahero ay negatibo sa virus, ieendorso ito sa Local Government Unit (LGU) kung saan siya umuuwi at doon na nito ipagpapatuloy ang natitirang araw sa kanyang 14-day quarantine kung saan mahigpit itong imo-monitor ng nakatokang LGU.
Mahigpit na tagubilin ng IATF na sundin ang appropriate patient management alinsunod na rin sa guidelines ng Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases at ng Department of Health Omnibus Guidelines on Prevention, Detection, Isolation, Treatment and Reintegration Strategies for COVID-19.
Maglalabas naman ng operational guidelines ang IATF hinggil sa bagong protocol na ito bago mag-a-uno ng Pebrero.