Bagong tourism slogan ng bansa, sabayan ng ‘sustainable development’ – Sen. Angara

Iminungkahi ni Senator Sonny Angara na sabayan ng ‘sustainable development’ ang bagong tourism slogan ng bansa na “Love the Philippines”.

Ayon kay Angara, nagagandahan siya sa bagong slogan na “Love the Philippines” dahil tunay namang mapagmahal ang mga Pilipino at isa rin itong mensahe na alagaan natin at mahalin ang ating mga tanawin.

Payo ng senador, kung mahal natin ang ating bansa ay huwag itong i-overdevelop tulad sa sitwasyon noon sa Boracay na dinudumog ng mga turista pero napabayaan naman ang tunay na ganda ng isla at naging malaking problema ang waste water.


Mainam aniya na tama lang ang pag-develop pero kailangang maging sustainable kung saan hindi nasisira at hindi nauubos ang ating mga likas yaman.

Sang-ayon din si Angara sa suhestyon ng ilang mga kasamahan na unahin ang pagsasaayos ng imprastraktura tulad ng mga airports.

Kung titingnan aniya ang ibang mga bansa na matagumpay ang turismo tulad ng Thailand at Spain na umaabot sa 30 million ang mga turista kada taon, ang mga ito aniya ay may magagandang tanawin, imprastraktura at maganda rin ang slogan kaya higit na naeengganyo ang mga dayuhan na bumisita.

Facebook Comments