Inaasahang darating sa Hulyo ng susunod na taon ang unang train set para sa 64.9 billion pesos na LRT line 1 Cavite extension project.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary Goddess Hope Libiran – ang train set ay mayroong apat na bagon na manggagaling sa Spain.
Dagdag pa ni Libiran – 91% ng right-of-way para sa first phase ng extension project ay acquired na.
Ang LRT-1 Cavite extension ay 11.7 kilometer segment mula Baclaran sa Pasay City hanggang sa Bacoor, Cavite, kung saan walong istasyon ang madadagdag sa kasalukuyang 20 istasyon ng linya.
Target na mabuksan ang first phase sa fourth quarter ng 2021 habang ang natitirang istasyon sa pagitan ng Las Piñas at Niog sa Bacoor ay matatapos sa 2022.
Kapag natapos ang proyekto, ang biyahe mula Baclaran patungong Bacoor at vice versa ay nasa 25 minuto na lamang mula sa kasalukuyang dalawang oras.