Iginiit ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na irrevocable o wala nang bawian ang kaniyang pagbibitiw bilang Contact Tracing Czar.
Sa isang panayam, sinabi ni magalong na makikipagpulong siya kina National Task Force against COVID-19 Chief Carlito Galvez Jr. at Deputy Chief Implementer Secretary Vince Dizon para pag-usapan ang isyu.
Kasunod nito, kahit wala na aniya siya sa pwesto ay tiniyak naman ni Magalong na tutulong pa rin siya sa contact tracing ng pamahalaan.
Pero sinabi rin ni Magalong na kung sasabihin sa kaniya ni Pangulong Rodrigo Duterte na manatili at gawin ang trabaho ay aminado siyang hindi siya makakatanggi.
Sa ngayon, umaasa raw siyang hindi na makakarating pa ang naturang isyu sa Pangulo at madesisyunan na agad sa magiging pulong nila nina Galvez.
Matatandaang nagbitiw si Magalong bilang Contact Tracing Czar matapos ang kontrobersiyal na party ng event organizer na si Tim Yap sa Baguio City kung saan dumalo rin dito ang alkalde.