
Kumpyansa pa rin si Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa kredibilidad ng imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa kabila ng pagbibitiw nito bilang special adviser.
Sa panayam dito sa senado, sinabi ni Magalong na naniniwala siyang mayroon pa ring mga maaayos o matitino na myembro ng ICI.
Partikular na tinutukoy ni Magalong na maaayos sa ICI ay sina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Rogelio “Babes” Singson, dating Supreme Court Associate Justice Andres Reyes Jr. at dating Philippine National Police (PNP) Chief Rodolfo Azurin na papalit na special adviser ng komisyon.
Sinabi pa ni Magalong na noong nasa ICI pa siya ay wala namang “pressure” mula sa labas subalit napilitan na siyang magbitiw dahil nawalan siya ng purpose matapos na sabihan siyang hindi siya investigator kundi isa lang siyang legal adviser.
Naunang naghimutok si Magalong na “below the belt” ang akusasyon laban sa kanya tungkol sa tennis court na itinayo ng isa sa mga kumpanya ng mga Discaya sa Baguio City.
Ayaw naman i-detalye ni Magalong ang ibang impormasyon sa nangyaring pagbibitiw niya sa ICI.









