
Todo-handa na ang Baguio City sa pagdating ng Bagyong Uwan na inaasahang magdudulot ng malalakas na ulan at hangin sa rehiyon.
Nababalot na ng mga tolda at trapal ang mga pasyalan, partikular na ang Burnham Park, upang maprotektahan ang mga bangka at bisikleta laban sa posibleng pinsala.
Sa iba’t ibang barangay, pinapaalalahanan na ang mga residente tungkol sa iba’t ibang evacuation centers na maaaring puntahan kung sakaling maapektuhan ng pagbaha o pagguho ng lupa ang ilang bahagi ng lungsod.
Ayon City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), patuloy ang monitoring sa mga landslide at flood-prone areas sa lungsod habang nakaantabay na ang rescue teams at mga sasakyang gagamitin para sa agarang paglikas kung kinakailangan
Samantala, inanunsyo na ng General Sercice Office (GSO) na pansamantalang suspendido ang koleksyon ng basura upang maiwasan ang pagbabara sa mga kanal at daluyan ng tubig na maaaring magdulot ng pagbaha.
Hinikayat din ang mga residente na huwag munang maglabas ng mga basura at siguraduhin na malinis ang paligid upang mapanatiling ligtas ang komunidad.
Naglabas naman ng opisyal na abiso ang lokal na pamahalaan na maging alerto at sundin ang mga babala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) at mga opisyal ng mga barangay.
Pinayuhan ang publiko na i-charge ang mga cellphone at flashlight, maghanda ng emergency kit, tiyaking ligtas ang kanilang bahay, at huwag iwanan ang mga alagang hayop.









