Walang naitalang pagtaas sa kaso ng COVID-19 sa Baguio City, ilang linggo mula nang ma-detect sa lungsod ang unang kaso ng BA 2.12 Omicron sub variant sa bansa.
Kahapon, matatandaang kinumpirma ng Department of Health (DOH) na isang dayuhan mula Finland na bumisita sa lungsod ang nagpositibo sa naturang subvariant noong April 11.
Ayon kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, bagama’t nakapagtatala na ulit sila ng mga bagong kaso ng COVID-19 ay wala naman itong kinalaman sa pasyenteng nakitaan ng BA 2.12 Omicron sub variant.
“Na-monitor naming ‘to kasi mga two weeks ago e, nagulat ako foreigner. Kasi during that time nagkaroon kami ng dalawang case, so yung isa foreigner. So binantayan talaga namin. We were expecting that we will be having an increase, let us say, 10 days pero hindi nangyari,” ani Magalong sa panayam ng RMN Manila.
“Pero may nararamdaman kami na unti-unti tumataas kasi dati-rati zero, zero, zero kami, kahapon, nagkaroon na kami ng 3 cases,” dagdag niya.
Tuloy-tuloy naman ang ginagawang contact tracing sa lungsod.
Sa ngayon, wala umanong plano ang Baguio City na maghigpit at patuloy silang tatanggap ng mga turista.
“As of today, considering na wala namang relationship yung pasyente na yun sa mga increases namin, pinababayaan lang namin yung mga bisita na umakyat. Itong mga bagong subvariants naman e talagang mild naman to, in fact sabi nga nila pwede na home isolation e,” saad pa ng alkalde.
Pagtitiyak pa ng alkalde, handa sila sakaling magkaroon ng COVID surge.
“We’re ready kung sakaling magkaroon kami ng surge. Alam mo, ang laking bagay yung dinaanan natin yung Delta, Omicron, natuto na tayo dun e. Mataas ang level of confidence namin na kung sakaling magkaroon ulit ng surge ditto, kayang-kaya naming i-manage,” ani Magalong.
Bukod dito, ipinagmalaki rin ni Magalong ang mataas na vaccination rate sa Baguio City.
Sa kasalukuyan aniya ay nasa 108% na ng kanilang populasyon ang nababakunahan ng COVID-19 vaccine habang 50% na ang naturukan ng booster shots.