Baguio night market, muling ipinasara dahil sa paglabag sa health protocols

Nanindigan ang Pamahalaang Lungsod ng Baguio na bubuksan lamang ang sikat at dinadayong night market kung ang lahat ay magtutulungan at gagampanan ang kanilang mga papel sa pagsugpo ng pandemya.

Nabatid na sinuspinde ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang night market na matatagpuan sa Harrison Road ilang oras matapos itong buksan noong Martes ng gabi bunga ng pagkukulang sa crowd control.

Ayon kay Magalong, nais niyang magkaroon ng pulong kasama ang mga stakeholders at bigyang diin ang papel o tungkulin ng bawat isa.


Kapag aniya nalinaw ang lahat ng mga isyu at naresolba na ang ma problema ay agad nilang ibabalik ang operasyon ng night market.

Ang pagsisindi ng giant Christmas tree sa Baguio, maging ang pagbubukas ng night market ay inulan ng batikos sa social media dahil sa maraming residente ang hindi sumunod sa physical distancing guidelines.

Pero nilinaw ni Mayor Magalong na nakalatag ang health at safety protocols at naka-deploy ang team mula sa local government unit para i-monitor ang sitwasyon.

Aminado ang alkalde na na-excite lamang ang mga tao matapos ang ilang buwang lockdown.

Facebook Comments