Bagyong Aghon, nag-iwan ng patay at sugatan; ilang pasahero naman, nananatiling stranded sa mga pantalan

Patuloy na bineberipika ng Office of Civil Defense (OCD) kung may kaugnayan sa paghagupit ng Bagyong Aghon ang naitalang limang nasawi at pitong sugatan.

Ayon kay OCD Spokesperson Director Edgar Posadas, kanila pang bineberipika ang apat na nasawi mula sa CALABARZON at isa mula sa Region 10.

Nakapagtala rin ng pitong sugatan kung saan ang apat ay nabagsakan ng puno kahapon habang sakay ng tricycle sa Legazpi, Albay at ang tatlong sugatan ay patuloy pang kinakalap ang impormasyon.


Samantala, suspendido pa rin ang operasyon ng ilang pantalan sa bansa dahil sa epekto ng Bagyong Aghon.

Ayon kay OCD Spokesperson Director Edgar Posadas, wala pa ring byahe ang ilang pantalan sa MIMAROPA, CALABARZON, Region 5 at 7 dahil sa matataas na alon.

Dahil dito, stranded ang 3,852 mga pasahero kung saan karamihan dito ay mula sa CALABARZON.

Hindi rin muna pinayagang makapaglayag ang 315 rolling cargoes, 35 vessels at 10 motor banca sa nabanggit na mga rehiyon.

Samantala, pitong flights din ang kanselado dahil sa apektado ang tatlong paliparan sa Bicol region.

Pitong kalsada ang hindi muna madaraanan ng mga motorista at isang tulay sa kapareho ring rehiyon.

Sa tala pa ng NDRRMC, apat na kabahayan ang totally damaged at 18 ang partially damaged.

Nananatili pa rin sa 8,465 pamilya o katumbas ng 19,373 indibidwal mula sa 158 brgys., sa CALABARZON, MIMAROPA, Regions 5 at 8 ang apektado ng bagyo.

Facebook Comments