Lumakas pa ang Tropical Storm Auring habang tinutumbok ang Caraga Region.
Sa huling weather bulletin ng PAGASA, namataan ang bagyo sa layong 605 kilometers Silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.
Mayroon na itong lakas ng hanging aabot sa 75 kilometers per hour at pagbugsong nasa 90 kilometers per hour.
Kumikilos pakanluran ang bagyo.
Nakataas na ang Tropical Cyclone Wind Signal Number 1 sa Davao Oriental at silangang bahagi ng Davao de Oro.
Mamayang gabi hanggang bukas ay asahan ang magdadala ng kalat-kalat na pag-ulan ang trough o buntot ng bagyo sa Caraga at Davao Region.
Bukas ay magkakaroon na ng katamtaman hanggang sa paminsang malalakas na pag-ulan sa Caraga region, Davao Oriental at Davao de Oro, maging sa Eastern Samar, Samar, Biliran, Leyte, Southern Leyte, Misamis Oriental, Camiguin, Bukidnon at Davao del Norte.
May mahihinang pag-ulan sa Central Visayas, natitirang bahagi ng Northern Mindanao, Northern Samar, Lanao del Sur, Cotabato at Davao City.
Inaasahang magla-landfall ang bagyo sa silangang baybayin ng Caraga Region sa Linggo, tatawid pahilagang kanluran kung saan dadaanan nito ang Caraga region, Visayas, at MIMAROPA.
Mataas ang tiyansang lumakas pa ito sa Severe Tropical Storm category sa susunod na 48 oras.