Nag-landfall na kaninang alas-9:00 ng umaga ang Bagyong Auring sa bahagi ng Batag Island sa Northern Samar.
Kasalukuyan na itong kumikilos Pahilaga-Hilagang Kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras at tatahakin ang bahagi ng Albay at Sorsogon.
Inaasahang hihina na ang bagyo at magiging isa na lamang Low Pressure Area (LPA) sa loob ng 24 na oras.
Ayon sa PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 30 kilometro hilagang silangan ng Catarman, Northern Samar at taglay ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong nasa 55 kph.
Sa ngayon, nakataas pa rin ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa mga sumusunod:
- Sorsogon
- Masbate kasama na ang Ticao at Burias Islands
- Albay
- Catanduanes
- Silangang bahagi ng Camarines Sur
- Northern Samar
- Eastern Samar
- Samar
- Biliran
Bagama’t humina na ang bagyo ay asahan pa rin ang mga katamtaman hanggang malakas na pag-ulan na may minsang pagbugso ng hangin sa mga nabanggit na lugar.
Samantala, ayon pa sa PAGASA, posibleng tumagal pa hanggang sa ikalawang linggo ng Marso ang malamig na panahon na nararamdaman dahil sa umiiral na hanging amihan.