Bagyong “Butchoy”, bahagyang lumakas habang papalayo ng Luzon; Pagsisimula ng panahon ng tag-ulan, idineklara na ng PAGASA

Bahagyang lumakas ang Bagyong “Butchoy” habang kumikilos papalayo ng Luzon.

Sa 11 a.m. bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 140 kilometers hilagang-kanluran ng Iba, Zambales.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour at pagbugsong 70 kph.


Wala na ring nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal sa anumang lugar sa bansa.

Gayunman, patuloy na makararanas ng pabugso-bugsong pag-ulan na sinamahan ng hanging habagat ang malaking bahagi ng Northern at Central Luzon gayundin ang western section ng Southern Luzon at Visayas.

Ayon pa sa PAGASA, nakikita nilang lalakas pa ang Bagyong Butchoy at magiging tropical storm sa loob ng 24 oras.

Inaasahang lalabas ito ng Philippine Area of Resposibility (PAR) mamayang gabi o bukas ng umaga.

Samantala, opisyal nang nagdeklara ng pagsisimula ng panahon ng tag-ulan ang PAGASA.

Sa inilabas nitong statement sa facebook, ang nararanasang scattered thunderstorm, Bagyong Butchoy at habagat sa loob ng limang araw na nagdala ng mga pag-ulan sa western sections ng Luzon at Visayas ay pasok sa criteria para masabing nagsimula na ang tag-ulan.

Pero ayon sa PAGASA, kahit tag-ulan na, maaari pa ring makaranas ng monsoon break o dry period na tatagal ng ilang araw hanggang dalawang linggo.

Facebook Comments