Bagyong “Emong”, napanatili ang lakas habang tinutumbok ang Batanes-Babuyan Islands area; Signal number 1, nakataas pa rin sa tatlong lugar sa Luzon

Napanatili ng tropical depression “Emong” ang lakas nito habang patuloy na kumikilos papalapit sa Batanes-Babuyan Islands area.

Alas-10 kaninang umaga, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 315 kilometers Silangan ng Aparri, Cagayan.

Taglay nito ang lakas ng hangin na aabot sa 55 kilometers per hour at pagbugsong 70 kilometers per hour.


Kumikilos ito pa-Kanlurang Hilagang-kanluran sa bilis na 40 kilometers per hour.

Nakataas pa rin ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Batanes, northeastern portion ng Cagayan (partikular sa mga bayan ng Santa Ana at Gonzaga) kabilang ang Babuyan Islands.

Ayon sa PAGASA, inaasahang dadaan o magla-landfall sa bisinidad ng Batanes-Babuyan Islands area ang bagyo ngayong tanghali o mamayang gabi.

Pero dahil sa mabilis nitong pagkilos, saglit lamang ito magla-landfall at lalabas ng Philippine Area of Responsibility bukas ng umaga.

Inaasahang lalakas pa ito at magiging tropical storm sa susunod na 12 oras pero pagkadaan sa Extreme Northern Luzon, muli itong hihina dahil sa interaksyon sa baku-bakung lupain ng southern Taiwan.

Facebook Comments