BAGYONG HENRY | Heavy rainfall warning, nakataas ngayon sa ilang lugar sa Luzon

Nakataas ngayon ang heavy rainfall warning sa Zambales at Bataan.

Ibig sabihin, ang mga pag-ulan sa nabanggit na lugar ay posibleng magdulot ng mga pagbaha at pagguho ng lupa.

Light to moderate na pag-ulan din ang mararanasan dito sa Metro Manila, bahagi ng Bulacan partikular sa bayan ng Hagonoy at Paombong, Pampanga kasama na ang Lubao, Sasmuan at Masantol, gayundin sa Calabarzon na maaaring magtagal ng dalawa hanggang tatlong oras.


Muling maglalabas ng rainfall advisory ang PAGASA mamayang alas 2:00 ng hapon.

Kaugnay naman ng bagyong Henry, bahagya itong bumilis habang tinatahak ang extreme northern Luzon.

Huli nakita ang bagyo sa layong 415 kilometers, silangan ng Aparri, Cagayan.

Taglay pa rin ang lakas ng hanging aabot sa 25 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugso na 65 kph.

Kumikilos ito sa direksyong pa-kanluran sa bilis na 35 kilometro kada oras.

Nakataas pa rin ang signal number 1: Batanes, hilagang bahagi ng Cagaya, Babuyan at Calayan Group of Island, hilagang baybayin ng Apayao at hilagang bahagi ng Ilocos Norte.

Ayon sa Weather Bureau, inaasahang dadaan sa bisinidad ng Calayan Island ang bagyo mamayang gabi at bukas ng umaga ay inaasahang lalabas na ito ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Samantala, pinaiigting din ng bagyong Henry ang southwest monsoon o habagat na magdadala ng pag-ulan sa malaking bahagi ng Luzon.

Facebook Comments