Papalapit na ng Batanes area ang severe tropical storm Ineng at inaasahang tatawid ng Bashi channel sa katimugang bahagi ng Taiwan.
Huling namataan ang bagyo sa layong 105 kilometers silangan, hilagang silangan ng Basco, Batanes.
Taglay na nito ang lakas ng hanging aabot sa 100 kilometers per hour at pagbugsong nasa 125 kilometers per hour.
Kumikilos northwest sa bilis na 20 kph.
Nakataas na ang tropical cyclone wind signal number 2 sa Batanes at Babuyan Islands.
Nasa signal number 1 naman sa Cagayan, Isabela, Apayao, Kalinga, Northern Abra at Ilocos Norte.
Ayon kay DOST-PAGASA weather specialist Gener Quitlong – nakakaapekto ang bagyo sa malaking bahagi ng Luzon.
Pinalalakas din nito ang hanging habagat.
Asahan ang hanggang sa malalakas na ulan sa Ilocos Region, Cordillera, Batanes at Cagayan.
Mahihina na may paminsan-minsang malalakas na pag-ulan sa Metro Manila, Zambales, Bataan, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Mindoro, hilagang bahagi ng Palawan, Aklan, Antique, Iloilo at Guimaras.
Inaasahang lalabas ang bagyo sa Philippine Area of Responsibility (PAR) mamayang gabi o bukas ng madaling araw.
Samantala, may binabantayang Low Pressure Area (LPA) na nasa 1,900 kilometers silangan ng Mindanao at papasok ito ng PAR sa mga susunod na araw.