Lumakas nang bahagya ang tropical storm Ineng habang nasa Philippines Sea.
Base sa weather bulletin ng PAGASA alas-11:00 kagabi, huling namataan ang bagyo sa layong 585 kilometers silangan ng Casiguran, Aurora.
Mayroon na itong lakas ng hanging aabot 85 kilometers per hour at pagbugsong 105 kph.
Nasa 15 kph ang bilis nito at kumikilos west northwest.
Nakataas ang tropical cyclone wind signal no. 1 sa Batanes, Cagayan kasama ang Babuyan Group of Islands, Isabela, Apayao, Kalinga, Northern Abra at Ilocos Norte.
Ngayong araw ay inaasahang magdudulot ng katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan ang outer rainbands ng bagyo sa Batanes, Cagayan kasama na ang Babuyan Group of Islands, Ilocos Norte at Apayao.
Patuloy ding pinalalakas ng bagyo ang hanging habagat kaya mahina hanggang katamtaman na paminsan-minsan ay malalakas na pag-ulan naman ang mararanasan sa Metro Manila, Central Luzon, Cavite, Batangas, Mindoro Provinces, hilagang bahagi ng Palawan kasama ang Calamian at Cuyo Islands, nalalabing bahagi ng Ilocos Region, Cordillera Administrative Region at Cagayan Valley.
Mababa ang tiyansang mag-landfall ito.
Ang DOST-PAGASA ay maglalabas ng bagong weather bulletin ngayong alas-5:00 ng umaga.