Bagyong ‘Maring’, lalo pang lumakas habang papalabas ng bansa; Signal No. 2, nakataas pa rin sa 9 na probinsya sa Luzon

Asahan pa rin ang malalakas na pag-ulan sa malaking bahagi ng Northern Luzon kahit papalabas na ang Bagyong Maring ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong araw.

Kaugnay niyan, bahagya pa ring lumakas ang bagyo habang tinatahak ang West Philippine Sea at kumikilos pa-kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 100 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong nasa 125 kilometro kada oras.


Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration-Department of Science and Technology o PAGASA-DOST, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 170 kilometro kanluran ng Calayan, Cagayan.

Sa ngayon, nananatiling nakataas ang Signal No. 2 sa mga sumusunod:

– Batanes
– Cagayan kabilang na ang Babuyan Islands
– Northern portion ng Isabela
– Apayao
– Kalinga
– Mountain Province
– Abra
– Ilocos Norte
– Ilocos Sur

Signal No. 1 naman ang umiiral sa:

– Nalalabing bahagi ng Isabela
– Nueva Vizcaya
– Quirino
– Ifugao
– Benguet
– La Union
– Pangasinan
– Aurora
– Nueva Ecija
– Tarlac
– Zambales
– Pampanga
– Northern portion ng Bataan
– Northern portion ng Quezon kabilang ang Polillo Islands

Makakaranas din ng mga pag-ulan dito sa Metro Manila, nalalabing bahagi ng Luzon, Visayas, Zamboanga Peninsula, BARMM, at SOCCSKSARGEN dahil sa pinagsamang epekto ng Bagyong Maring at habagat.

Facebook Comments