
Naghatid ng malalakas na ulan, pagbaha at kawalan ng kuryente sa ilang bayan ng Cagayan ang sama ng panahon na dala ng nagdaang Bagyong Mirasol at Bagyong Nando.
Sa inilabas na situational report ng Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office kahapon, naitala ang pagbaha sa ilang mabababang lugar, partikular sa bayan ng Enrile kung saan nalubog sa tubig ang mga sakahan sa Brgy. San Jose, San Roque, Brgy. IV at Villa Maria.
Hindi naman madaanan ang ilang pangunahing kalsada at tulay sa Tuguegarao kabilang ang Pinacanauan Bridge, Gunnacao St. sa Centro 5, Bonifacio St. sa Centro 1, Aguinaldo St., Centro 10 at Teresita Blvd.-Cor Del Pol St. sa Centro 10.
Hindi rin madaanan ang Solana Steel Bridge, ilang footbridge sa Enrile at overflow bridges sa Amulung kabilang ang Brgy. Anquiray, Goran/Cordova at Tana/Annabuculan.
Samantala, nagpatupad din ng emergency power interruption sa buong bayan ng Peñablanca at Solana.
Sa ngayon, activated na ang PDRRMO Operations Center sa Lal-lo, Cagayan at naka-preposition ang mga rescue equipment sa iba’t ibang lugar.
Patuloy rin na mino-monitor ang mga mababang lugar at landslide-prone areas habang nakahanda ang mga supply ng pagkain, gamot at iba pang gamit para sa posibleng paglikas ng mga residente.









