Iginiit ni Quezon City Rep. Alfred Vargas na magsilbing “wake-up call” sa Kongreso ang malaking pinsalang iniwan sa buhay at kabuhayan ng ating mga kababayan sa Bagyong Odette.
Dahil dito, kinalampag ni Vargas, may akda ng Evacuation Centers Bill sa Kamara, na aprubahan na sa lalong madaling panahon ng Senado ang panukala na nagbibigay mandato para sa pagtatatag ng permanenteng evacuation centers sa buong bansa.
Naniniwala ang mambabatas na ang pagtatayo ng evacuation centers na climate resilient at matatagpuan sa ligtas na lugar na may kumpletong pasilidad at kagamitan ay isang long-term solution laban sa krisis sa mga komunidad na apektado ng mga malalakas na bagyo.
Sinabi ni Vargas na ang pagkawala ng buhay at mga ari-arian sa mga sinalantang lugar sa Visayas at Mindanao ay gumising sana sa Kongreso na maging maagap sa mga ipinapasang lehislasyon.
Hindi na aniya maiiwasan ang climate change at katulad sa ibang mga bansa, ang ating gobyerno ay kumikilos para protektahan ang mga vulnerable sectors laban sa malalang epekto ng pagbabago ng panahon.
Dagdag pa ng kongresista, dapat na maging prayoridad ng Kongreso ang disaster response at climate mitigation lalo pa’t ang Pilipinas ay tukoy na isa sa mga bansang lantad sa epekto ng climate change.