Bagyong Ofel, nag-landfall na sa Can-avid, Eastern Samar

Tumama na ng kalupaan ang Tropical Depression “Ofel” ngayong umaga.

Ang unang landfall ng bagyo ay sa binisidad ng Can-Avid, Eastern Samar.

Mula kaninang alas-4:00 ng madaling araw, huling namataan ang sentro ng bagyo sa bisinidad ng Bobon, Northern Samar.


Napanatili nito ang lakas ng hanging nasa 45 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong nasa 55 km/hr.

Bumilis ang galaw ito sa 20 km/hr at tinatahak ang direksyong Kanluran-Hilagang Kanluran.

Nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal Number 1 sa mga sumusunod na lugar:

– Katimugang bahagi ng Batangas
– Katimugang bahagi ng Quezon
– Oriental Mindoro
– Marinduque
– Romblon
– Camarines Norte
– Camarines Sur
– Catanduanes
– Albay
– Sorsogon
– Masbate (kasama ang Ticao at Burias Islands)
– Northern Samar
– Eastern Samar
– Samar
– Biliran
– Hilagang bahagi ng Leyte

Ayon sa DOST-PAGASA, tatawid ang bagyo sa Samar Island at susunod na tutumbukin ang Katimugang Luzon at dadaan sa Masbate, Romblon, at Mindoro Provinces

Asahan ang katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan sa Bicol Region, Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Marinduque, Romblon, Quezon, Batangas at Mindoro.

Ang Metro Manila, Aurora, Bataan, Pampanga, Bulacan at natitirang bahagi ng CALABARZON ay makakaranas ng mahihina na may minsang malalakas na ulan.

Nakakaapekto naman ang Southwest Monsoon o Hanging Habagat sa malaking bahagi ng Mindanao.

Inaasahang lalabas ang bagyo sa Philippine Area of Responsibility (PAR) bukas ng umaga o Biyernes ng hapon.

Facebook Comments