Puspusan ngayon ang paghahandang isinasagawa ng Provincial Government ng Pangasinan dahil sa papa-landfall na bagyong si Ompong. Sa datos kasi na inihayag ng NDRRMC sa publiko kahapon bahagya itong nag-iba ng direksyon kung saan ay maaaring tutumbukin ang malaking bahagi ng Northern Luzon habang napanatili nito ang kanyang lakas na kumikilos west northwest sa bilis na 20 kph.
Kaninang umaga, kasama ang Provincial Social Welfare and Development office (PSWDO) at Provincial Disater and Risk Reduction Office (PDRRMO), inihanda na ang mga kakailanganing relief goods para sa mga posibleng maapektuhan ng nasabing bagyo. Isinagawa ang nasabing repacking ng mga relief goods sa mismong capitol compound na ginawa narin ngayong command center ng lahat ng ahensyang tutok sa nasabing epekto ng bagyo.
Sa ngayon ay unti unti nang nararamdaman ang epekto ng bagyong Ompong sa lalawigan kung saan may pag-ambon, pagbugso ng ulan, at pagkulog at pagkidlat sa ibang bahagi ng lalawigan. Patuloy din ang pagbibigay paalala sa mga residenteng malapit sa dalampasigan dahil narin sa inaasahang naglalakihang at malakas na hampas ng alon. Layon ng PDRRMO na zero casualty ang lalawigan sakaling manalanta si Ompong.