Nasa West Philippines Sea na ang Tropical Storm Pepito matapos itong tumawid sa Luzon landmass.
Huling namataan ang bagyo sa layong 115 kilometers Hilagang Kanluran ng Dagupan City, Pangasinan.
Napanatili pa rin nito ang lakas ng hanging nasa 75 kilometers per hour malapit sa gitna pero humina ang pagbugso nito sa 90 km/hr.
Kumikilos ito sa direksyong Kanluran, Hilagang Kanluran sa bilis na 30 km/hr.
Nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signals sa mga sumusunod na lugar.
SIGNAL NUMBER 2
- La Union
- Hilagang bahagi ng Zambales
- Kanlurang bahagi ng Pangasinan
SIGNAL NUBER 1
- Ilocos Norte
- Ilocos Sur
- Natitirang bahagi ng Pangasinan
- Abra
- Kanlurang bahagi ng Kalinga
- Kanlurang bahagi ng Mountain Province
- Benguet
- Kanlurang bahagi ng Nueva Vizcaya
- Kanlurang bahagi ng Nueva Ecija
- Tarlac
- Natitirang bahagi ng Zambales
Ayon sa DOST-PAGASA, inaasahang bibilis ang pagkilos nito patungong Vietnam.
Mataas din ang tiyansang lumakas ito at umabot sa Severe Tropical Storm Category.
Magdadala ang bagyo ng katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan sa Batanes, Cagayan, Ilocos Norte, Pangasinan, La Union, Apayao, Benguet, Zambales, Bataan, Occidental Mindoro at Calamian Islands.
Mayroon namang mahihina hanggang sa katamtaman na may minsang malalakas na pag-ulan sa Metro Manila at natitirang bahagi ng Luzon.
Inaasahang lalabas ang bagyo sa Philippine Area of Responsibility (PAR) bukas ng umaga o hapon.
Samantala, may isang Tropical Depression na binabantayan sa labas ng PAR na nasa 1,900 kilometers Silangan, Hilagang Silangan ng Dulong Hilagang Luzon.
Mayroon itong lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour at pagbugsong nasa 70 km/hr at halos hindi gumagalaw sa kinaroroonan nito.
Mababa pa rin ang tiyansang pumasok ito sa bansa.