Bagyong Rolly, isa nang typhoon at posibleng lumakas pa bago mag-landfall

Lumakas pa bilang isang typhoon ang bagyong Rolly.

Ayon sa PAGASA, posibleng magtaas na sila ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa ilang lalawigan sa Bicol Region ngayong umaga bilang paghahanda sa pananalasa ng bagyo.

Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 1,280-kilometer Silangan ng Central Luzon at taglay ang lakas ng hanging aabot sa 120 kilometro kada oras malapit sa gitna at may pagbugsong nasa 150 kilometro.


Kumikilos ito pakanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.

Magdadala ang trough o extension ng bagyo ng mahihina hanggang sa minsan ay malalakas na pag-ulan sa Bicol Region, Eastern Visayas, Central Visayas at CARAGA.

Una nang sinabi ng United States Navy – United States Air Force Joint Typhoon Warning Center na maaari pang lumakas bilang isang super typhoon ang bagyong Rolly bago ito mag-landfall sa Luzon.

Samantala, bukod kay bagyong Rolly, isang tropical depression ang binabantayan sa labas ng bansa na nasa layong 2,420 kilometro Silangan ng Mindanao.

Sakaling pumasok na ito ng Philippine Area of Responsibility, tatawagin naman itong si bagyong Siony.

Facebook Comments