Lalo pang lumakas ang Bagyong “Rolly” habang kumikilos pa-Kanluran ng Philippine Sea.
Huling namataan ang bagyo sa layong 1,100 kilometers Silangan ng Central Luzon.
Kumikilos ito pa-Kanluran sa bilis na 15 kilometers per hour taglay ang lakas ng hanging aabot sa 165 kph at pagbugsong 205 kph.
Sa ngayon, wala pang nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal sa anumang bahagi ng bansa.
Pero ayon sa PAGASA, habang papalapit sa kalupaan ay posible nang itaas sa Signal Number 1 ang ilang probinsya sa Bicol Region ngayong hapon.
Lalo pang lalakas ang bagyo habang lumalapit sa landmass at kung hindi hihina ay may posibilidad na itaas sa Signal Number 3 ang Metro Manila at Signal Number 4 sa Aurora at Quezon Province.
Posible ring isasailalim sa Signal Number 3 o 4 ang buong Central Luzon at ilang lugar sa Northern Luzon at CALABARZON.
Inaasahang magla-landfall ang bagyo sa Aurora-Quezon area sa linggo ng gabi o umaga ng lunes.
Samantala, dahil sa trough ng Bagyong Rolly, makararanas ng mahina hanggang katamtaman na minsan ay malalakas na pag-ulan partikular sa Bicol, Caraga, Visayas, Northern Mindanao at Zamboanga Peninsula.
Habang bukas ay magiging makulimlim na ang panahon sa Metro Manila at sa Linggo at Lunes ay makararanas na ng malalakas na bugso ng ulan at hangin.
Sa ngayon, ang mga pag-ulang nararanasan sa Metro Manila ay bunsod ng localized thunderstorm.