Palapit nang palapit sa kalupaan ng Katimugang Luzon ang Typhoon Rolly.
Huling namataan ang bagyo sa layong 655 kilometers Silangan, Hilagang Silangan ng Virac, Catanduanes.
Napanatili nito ang lakas ng hanging nasa 215 kilometers per hour at pagbugsong nasa 265 km/h.
Kumikilos ito pa-kanluran sa bilis na 20 km/h.
Nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signals sa mga sumusunod na lugar:
SIGNAL NUMBER 2:
- Catanduanes
- Silangang bahagi ng Camarines Sur
- Albay
- Sorsogon
SIGNAL NUMBER 1:
- Camarines Norte
- Natitirang bahagi ng Camarines Sur
- Masbate (kabilang ang Ticao at Burias Islands)
- Quezon (kabilang ang Polillo Islands)
- Rizal
- Laguna
- Cavite
- Batangas
- Marinduque
- Romblon
- Occidental Mindoro (kabilang ang Lubang Island)
- Oriental Mindoro
- Metro Manila
- Bulacan
- Pampanga
- Bataan
- Zambales
- Tarlac
- Nueva Ecija
- Aurora
- Pangasinan
- Benguet
- Ifugao
- Nueva Vizcaya
- Quirino
- Katimugang bahagi ng Isabela
- Northern Samar
- Hilagang bahagi ng Samar
- Hilagang bahagi ng Eastern Samar
- Hilagang bahagi ng Biliran
Ayon sa DOST-PAGASA, lalapit ang bagyo sa baybayin ng Bicol Region pero bigla itong kikilos pakanluran – hilagang kanluran.
Magdadala na ng mga pag-ulan ang bagyo sa Catanduanes at Camarines Provinces at sa Quezon at Southern Aurora Areas.
Inaasahang magla-landfall ito sa Polillo Islands at sa mainland Quezon bukas ng gabi.
Asahang magdadala ng mahihina hanggang sa katamtaman na may minsang malalakas na pag-ulan ang bagyo sa Central Visayas, Negros Occidental, Leyte, Southern Leyte, Palawan kasama ang Cuyo Islands, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Caraga, at Sulu Archipelago.
Mamayang gabi hanggang bukas ay asahan na ang malalakas na pag-ulan sa Bicol Region, Calabarzon, Metro Manila, Central Luzon, Marinduque, at hilagang bahagi ng Occidental at Oriental Mindoro.
May katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan naman sa Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, at Quirino.
Inaasahang lalabas ang bagyo sa Luzon landmass sa Lunes ng umaga.
Samantala, binabantayan naman ang isa pang bagyo na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ang Tropical Depression “Atsani” ay tinatayang nasa 1,605 kilometers Silangan ng Visayas at may taglay itong lakas ng hanging nasa 55 km/h at pagbugsong nasa 70 km/h.
Inaasahang papasok ito ng PAR bukas ng hapon at inaasahang lalakas bilang Tropical Storm.