Bagyong Rolly, posibleng magdulot ng lahar at mud flows – PHIVOLCS

Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na maaaring magkaroon ng pag-agos ng lahar at putik sa mga lugar na malapit sa tatlong aktibong bulkan na dadaanan ng Bagyong Rolly.

Sa abiso ng PHIVOLCS, asahang magkakaroon ng lahar at mud flows sa mga daluyan ng tubig malapit sa Bulkang Mayon, Pinatubo at Taal bunga ng malalaking volume ng ulan na ibabagsak ng bagyo.

Mahigpit na inirerekomenda ang PHIVOLCS sa residente at mga komunidad na maging alerto at maghanda.


Ang bulto ng pyroclastic density current (PDC) deposits ng Mayon ay inaasahan sa mga watershed areas ng Miisi, Mabinit, Buyuan, at Basud Channels.

Posibleng magkaroon ng lahat at sediment streamflows sa mga sumusunod na daluyan ng tubig:
– Miisi
– Binaan
– Anoling
– Quirangay
– Maninila
– Masarawag
– Muladbucad
– Nasisi
– Mabinit
– Matan-ag
– Basud

Ang lahar mula sa Pinatubo ay inaasahang aabot sa Sto. Tomas-Marella at Bucao River systems pero posibleng maging mud flows ito sa bahagi ng San Marcelino, San Narciso, San Felipe, at Botolan.

Inaasahang magkakaroon ng mud streamflow at run-off mula sa Taal Volcano na makakaapekto sa mga bayan ng Agoncillo at Laurel sa Batangas.

Pinayuhan ng PHIVOLCS ang Local Government Units (LGUs) sa mga apektadong lugar na bantayan ang lagay ng kanilang panahon at magsagawa ng preemptive response measures.

Facebook Comments