Nag-landfall na kaninang madaling araw ang bagyong Rolly sa bisinidad ng Bato, Catanduanes.
Dahil dito, nagbabala ang PAGASA sa panganib na dulot ng lakas ng hanging dala ni Super Typhoon Rolly sa mga lugar na dadaanan nito.
Ayon sa PAGASA, sa loob ng 12 oras ay makararanas ng malalakas na ulan at pagbugso ng hangin ang Catanduanes, Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, at katimugan ng Quezon.
Naging isang ganap na super typhoon si Rolly batay sa inilabas na severe weather bulletin ng PAGASA kaninang alas-2:00 ng umaga.
Taglay ng bagyong Rolly ang lakas ng hanging aabot sa 225 kilometro kada oras malapit sa gitna at may pagbugsong aabot sa 280 kilometro kada oras.
Kumikilos ang bagyo patimog-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.
Kasabay nito, nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 5 sa Catanduanes, Silangang bahagi ng Camarines Sur at Albay.
Signal no. 4 naman sa mga sumusunod na lugar:
Camarines Norte, nalalabing bahagi ng Camarines Sur, hilagang bahagi ng Sorsogon, Burias Island, gitna at katimugan ng Quezon, Marinduque at hilagang bahagi ng Romblon.
Signal no. 3:
Nalalabing bahagi ng Sorsogon, hilagang bahagi ng Masbate, nalalabing bahagi ng Quezon, Laguna, Batangas, Cavite, Rizal, Metro Manila, Bulacan, Pampanga, Bataan, katimugan ng Zambales, gitnang bahagi ng Romblon, Hilagang bahagi ng Occidental Mindoro, Hilagang bahagi ng Oriental Mindoro at Northern Samar.
Signal no. 2:
Sa Aurora, Nueva Vizcaya, Quirino, Benguet, La Union, Pangasinan, nalalabing bahagi ng Zambales, Tarlac, Nueva Ecija, nalalabing bahagi ng Oriental Mindoro, nalalabing bahagi ng Occidental Mindoro, nalalabing bahagi ng Romblon, nalalabing bahagi ng Masbate, Hilagang bahagi ng Samar, Hilagang bahagi ng Eastern Samar, dulong hilagang bahagi ng Antique at hilagang bahagi ng Aklan.
Habang nasa ilalim naman ng signal no. 1 ang mga sumusunod:
Cagayan, Isabela, Apayao, Kalinga, Mountain Provinc,e Ifugao, Abra, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Calamian Islands, nalalabing bahagi ng Hilagang Antique, nalalabing bahagi ng Aklan, Hilagang bahagi ng Iloilo, Hilagang bahagi ng Cebu kabilang ang Bantayan Islands, nalalabing bahagi ng Samar, Biliran, nalalabing bahagi ng Eastern Samar at Hilagang bahagi ng Leyte.
Tatahakin ng sentro ng bagyo ang Camarines Provinces bago magtungo ng CALABARZON ngayong tanghali.