Humina at nasa kategoryang severe tropical storm na lamang ang bagyong Tisoy.
Huling namataan ang bagyo sa layong 275 kilometers west-northwest ng Calapan City, Oriental Mindoro.
Taglay na lamang nito ang lakas ng hanging nasa 100 kilometers per hour at pagbugsong nasa 125 kph.
Kumikilos ito west-northwest sa bilis na 20 kph.
Nakataas na lamang ang tropical cyclone wind signal number 2 sa Southern Zambales, Bataan, Western Cavite, Western Batangas, at Northwestern Occidental Mindoro kasama ang Lubangs Island.
Signal number 1 naman sa Metro Manila, Western Quezon, Laguna, Rizal, natitirang bahagi ng Batangas, natitirang bahagi ng Cavite, Northern Palawan kasama ang Calamian Islands, Southwestern Bulacan, Western Pampanga, Western Tarlac, natitirang bahagi ng Zambales, Oriental Mindoro at natitirang bahagi ng Occidental Mindoro.
Ayon kay DOST-PAGASA weather specialist Loriedin Dela Cruz – bukod sa ilang beses na pag-landfall nito sa lupa, humihina ang bagyo dahil sa hanging amihan.
Asahan na lamang ang panaka-nakang malalakas na pag-ulan sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Cordillera, at Aurora.
Mapanganib na maglayag sa baybayin ng Northern Luzon, eastern seaboard ng Central Luzon, at eastern at western seaboards ng Southern Luzon.
Inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Tisoy mamayang gabi o bukas ng umaga.