Bagyong Vicky, nasa bahagi na ng Sulu Sea

Nasa bahagi na ng Sulu Sea ang Tropical Depression Vicky.

Huling namataan ang bagyo sa layong 150 kilometers Kanluran ng Dipolog City, Zamboanga del Norte.

Taglay na nito ang lakas ng hanging nasa 45 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong nasa 55 kilometers per hour.


Kumikilos ang bagyo pakanluran sa bilis 25 k/hr.

Nakataas pa rin ang Tropical Cyclone Wind Signal Number 1 sa sumusunod na lugar:

Luzon
– Hilaga at gitnang bahagi ng Palawan (kasama ang Calamian, Cuyo, Cagayancillo, at Kalayaan Islands)

Visayas
– Katimugang bahagi ng Cebu
– Dulong Kanlurang bahagi ng Bohol
– Siquijor
– Negros Oriental
– Gitna at Katimugang bahagi ng Negros Occidental
– Guimaras
– Katimugang bahagi ng Iloilo
– Katimugang bahagi ng Antique

Mindanao
– Misamis Occidental
– Hilaga at gitnang bahagi ng Zamboanga del Norte
– Zamboanga del Sur
– Zamboanga Sibugay

Ayon sa DOST-PAGASA, inaasahang tatawid ang Bagyong Vicky sa hilaga at gitnang bahagi ng Palawan mamayang hapon o gabi.

Mananatili siya sa Tropical Depression Category habang tumatawid ng kalupaan.

Asahan ang katamtaman hanggang sa malalakas na ulan dala ng pinagsamang epekto ng bagyo at ng Tail-end of Cold Front sa CALABARZON, Bicol Region, Visayas, Aurora, Dinagat Islands, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Agusan del Norte, Camiguin, Misamis Oriental, Oriental Mindoro, Marinduque, at hilaga at gitnang bahagi ng Palawan.

Mayroong mahihina hanggang katamtaman na may minsang malalakas na pag-ulan sa mainland Cagayan Valley, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Metro Manila, at natitirang bahagi ng Central Luzon, MIMAROPA at Cordillera Administrative Region

Inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility ang bagyo bukas ng hapon o gabi.

Facebook Comments