Baha sa Cagayan, humuhupa na; Tulong ng DA, mas kailangan ng provincial government

Photo Courtesy: Cagayan Provincial Information Office

Bumubuti na ang panahon sa probinsya ng Cagayan na isa sa mga pinakasinalanta ng Bagyong Florita.

Ayon kay Cagayan Governor Manuel Mamba, sa ngayon ay ambon na lamang ang nararanasan sa probinsya.

Unti-unti na ring humuhupa ang baha kaya inaasahang magsisibalikan na sa kanilang mga bahay ang mga residenteng inilikas dahil sa bagyo.


Tiniyak naman ni Mamba na sapat pa ang pondo nila para sa pamamahagi ng food packs.

Aniya, mas kailangan nila ngayon ng crop subsidy mula sa Department of Agriculture (DA) dahil sa iniwang pinsala ng bagyo sa kanilang mga pananim.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang assessment ng probinsya hinggil sa naging pinsala ng bagyo sa sektor ng agrikultura.

Sa ulat naman ng Cagayan Provicial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), nasa siyam na tulay at kalsada ang hindi pa rin nadadaanan.

Nananatili ring suspendido ang pasok sa lahat ng antas ng mga eskwelahan sa probinsya habang balik-trabaho na ngayong araw ang mga kawani sa mga tanggapan ng gobyerno maliban sa Tuguegarao.

Facebook Comments