Bahagi ng bilyong pisong 2021 anti-insurgency fund, makabubuting ilaan sa mga biktima ng kalamidad

Pinababawasan ni Senator Risa Hontiveros ang ₱19 billion na proposed 2021 budget para sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Giit ni Hontiveros, mainam na ilaan sa mga nasalanta ng Bagyong Rolly ang bahagi ng naturang pondo sa halip na ibuhos sa red-tagging na ginagawa ng pwersa ng pamahalaan.

Dismayado si Hontiveros dahil mas malaki pa ang anti-insurgency fund kumpara sa panukalang pondo para sa Department of Housing, Settlement and Urban Development, Office of the Ombudsman, Department of Budget and Management at Department of Finance.


Hindi naman inaalis ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang posibilidad na magamit ang nasabing salapi sa 2022 elections.

Kinukwestyon din ni Drilon ang maluwag na paraan ng paggastos nito kung saan mahihirapan sa pag-audit ang Commission on Audit kaya maaari itong magamit sa korapsyon at pag-abuso.

Sa pagdinig ng Senado na pinamunuan ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ay sinabi naman ni National Security Adviser Germogenes Esperon na aprubado ng Pangulo ang nabanggit na pondo dahil nangungunang banta rin sa seguridad ng bansa ang partido komunista na tuloy-tuloy pa rin ng recruitment.

Paliwanag ni Esperon, ₱16 billion sa nabanggit na ₱19 billion ay gagamitin sa paglilinis sa 820 barangay mula sa New People’s Army.

Facebook Comments