Bahagi ng Cavite-Laguna Expressway, iinspeksyunin ni PBBM

Biyaheng Cavite si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong araw para sa tatlong magkakasunod na aktibidad.

Unang mag-iinspeksyon ang pangulo sa bahagi ng Cavite-Laguna Expressway CALAX Subsection 3.

Ang Governor’s Drive Interchange ay higit 8 kilometrong segment (8.64km) na nagdurugtong sa Silang (Aguinaldo) Interchange hanggang Governor’s Drive sa General Trias, Cavite.


Susi ito para mapabilis ang biyahe at mabawasan ang congestion sa rehiyon.

Ang CALAX ay higit 44 (44.57km) na kilometrong expressway na may apat na lane simula sa Centennial Road sa Kawit, Cavite at nagtatagpo sa Greenfield Property sa Biñan City, Laguna.

Mula sa pag-iinspeksyon ay didiretso si Pangulong Marcos sa Trabaho at Serbisyong Pangkalusugan sa Bagong Pilipinas sa Dasmariñas City.

Ang nasabing programa kung saan magkakatuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Agriculture (DA) at Department of Health (DOH) ay nag-aalok ng iba’t ibang serbisyo partikular ang oportunidad sa trabaho para sa mga ga-graduate na sa 4Ps.

Mamayang gabi naman ay muling sasamahan ng pangulo sa pangangampanya ang mga kandidato sa pagkasenador ng administrasyon sa Trece Martirez, Cavite.

Facebook Comments