Mananatiling “no rally zone” ang ilang bahagi ng Commonwealth Avenue sa nalalapit na ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Philippine National Police Public Information Office (PNP-PIO) Chief PCol. Jean Fajardo, lalo’t higit nilang ipatutupad ang no rally zone malapit sa Batasang Pambansa upang hindi na maging dagdag pasanin pa sa mga motoristang maaapektuhan ng ipatutupad na traffic re-routing scheme.
Ani Fajardo, sa ngayon hinihintay na lamang ng Pambansang Pulisya ang magiging desisyon ng Quezon City Local Government Unit (LGU) kaugnay sa mga grupong papayagang magsagawa ng kanilang kilos-protesta.
Tulad aniya ng dati, hiwalay ang rally para sa Pro at Anti-Marcos administration.
Dagdag pa ni Fajardo, mahigpit na nakikipag-ugnayan ang Quezon City Police District (QCPD) sa House of Representatives (HOR) hinggil sa magiging latag ng seguridad para sa SONA ng pangulo.
Gayunman, sinabi ni Fajardo na gaya ng mga nakalipas na SONA ng pangulo ay may template nang sinusunod ang pulisya para rito at magsasagawa sila ng mga kinakailangang adjustment kung kinakailangan depende sa sitwasyon.
Sa ngayon, pinag-aaralan pa ng mga awtoridad kung magpapatupad ng signal jamming at gun ban sa mismong araw ng SONA ni PBBM.