Giniba ang isang bahagi ng dike sa Brgy. Talibaew, Calasiao, Pangasinan, nitong nakaraang linggo upang maibsan ang pagbaha sa kalapit na kabahayan sa lugar.
Sa panayam sa ilang residente, masyado umanong maliit ang butas sa bahagi ng dike na dinadaanan ng tubig mula sa mga kalapit na barangay, dahilan kung bakit naiipon at tumataas ang tubig sa mga kabahayan tuwing malakas ang buhos ng ulan.
Anila, bahagya nang bumilis ang paghupa ng baha mula sa residential area sa lugar kung ikukumpara noong hindi pa ginigiba ang bahagi ng dike.
Patuloy naman ang hiling ng mga residente para sa mas maayos na daluyan ng tubig sa lugar upang tuluyan nang maresolba ang problema sa pagbaha.
Kasalukuyan pang kinukunan ng pahayag ng iFM News Dagupan ang opisina ng Department of Public Works and Highways na may saklaw sa lugar. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








