
Nananawagan si Bagong Henerasyon (BH) Party-list Rep. Robert Nazal na ilaan sa cyber-security at digital infrastructure ang bahagi ng inalis na P255 billion na pondo para sa flood control projects.
Hirit ito ni Nazal matapos kumpirmahin ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang 1.4 million na pagtatangka kamakailan para i-hack ang mga website ng pamahalaan.
Kabilang sa tinangkang i-hack ang mga website ng Anti-Red Tape Authority (ARTA), DICT, Bureau of Customs (BOC), Department of Economy, Planning and Development (DEPD), at iba’t ibang lokal na pamahalaan.
Bunsod nito, iginiit ni Nazal na mahalagang maging ligtas ang digital infrastructure sa bansa upang maprotektahan ang mga government platforms gaya ng eGov Super App.
Diin pa ni Nazal, kailangan ding masigurado na ang DICT ay may sapat na resources at manpower o mga tauhan para matiyak ang seguridad ng buong eGov ecosystem.









