Tinamnan ng iba’t ibang uri ng gulay ng isang irrigators association ang bahagi ng isang irrigation canal sa Barangay Cabacaraan, San Manuel, Pangasinan bilang bahagi ng masusing paggamit ng mga bakanteng espasyo sa lugar.
Sa ilalim ng programang Gulayamanan sa NIA Canal, tinaniman ang humigit-kumulang 300 metrong bahagi ng Aoanan Canal na saklaw ng Agno River Irrigation System.
Kabilang sa mga itinanim ang kamatis, sitaw, talong, ampalaya at sili.
Ayon sa asosasyon, layunin ng inisyatibo na mapakinabangan ang mga dating hindi nagagamit na bahagi ng irrigation canal at makapagbigay ng dagdag na mapagkukunan ng pagkain at kita para sa mga miyembro at magsasaka.
Dagdag naman ng National Irrigation Administration (NIA) Region 1, ipinapakita ng proyekto na maaaring sabayan ng high-value crops ang tradisyunal na produksyon ng palay, habang pinapalakas ang pagtutulungan ng mga kasapi ng asosasyon.
Dahil sa positibong resulta, inaasahang ipagpapatuloy at palalawakin pa ang gawain sa lugar bilang bahagi ng mas epektibong paggamit ng lupa at suporta sa seguridad sa pagkain para sa mga residente.










