BAHAGI NG LINGAYEN BEACHFRONT, NATABUNAN NG BUHANGIN PAGKATAPOS NG BAGYONG UWAN

Natabunan ng makapal na buhangin ang sementadong bahagi ng Lingayen Capitol Beachfront matapos ang pananalasa ng Bagyong Uwan noong gabi ng Nobyembre 9, ayon sa ulat ng lokal na pamahalaan.

Kabilang sa naapektuhan ang landmark na “See Pangasinan,” na ngayo’y kalahati na lamang ang nakikita dahil sa kapal ng buhangin.

Ayon sa DOST-PAGASA, kabilang ang Pangasinan sa mga lugar na nakaranas ng storm surge na umabot sa dalawa hanggang tatlong metro ang taas.

Dahil dito, ilang establisimyento sa baybaying bahagi ng Lingayen ang nawasak ar nangangailangan ng malawakang paglilinis at rehabilitasyon.

Samantala, sa bayan ng Labrador, isang malaking barko naman ang natagpuan ng mga residenteng sumayad sa baybayin ng Barangay Uyong sa parehong araw.

Ayon sa mga saksi, sumadsad ang naturang barko kasabay ng malalakas na alon at bugso ng hangin na dala ng bagyo.

Patuloy pang kinukuha ng IFM News Dagupan ang pahayag ng Labrador Coast Guard kaugnay ng insidente upang matukoy ang lawak ng pinsala at kung may naitalang nasaktan.

Sa kasalukuyan, nagsasagawa na ng pagsusuri at paglilinis ang mga awtoridad sa mga apektadong lugar sa Lingayen at Labrador upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente at maibalik sa normal ang operasyon sa baybayin.

Facebook Comments