
Posibleng maibalik ang bahagi ng P45 billion na tinapyas ng Senado sa budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa taong 2026.
Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, Chairperson ng Senate contingent sa bicameral conference committee, hindi buong maibabalik ang naibawas na P45 billion na pondo para sa mga infrastructure project.
Sa ngayon aniya ay bine-verify pa nila kung magkano lamang ang maibabalik mula sa P45 billion na pondo na ibinase sa isinumiteng revised adjustment factors at sa bagong computation ng Construction Materials Price Data (CMPD).
Ngayong hapon ng Miyerkules ay inaantabayanan ang deliberasyon ng bicam para sa P6.793 trillion na 2026 General Appropriations Bill (GAB) kung saan may 11 government agencies pang isasalang.
Kabilang naman ang DPWH budget sa tatalakayin at pagkakasunduin ng Senado at Kamara partikular ang inihihirit na maibalik na pondo na P45 billion.
Target na tapusin ng mga mambabatas ang bicam ngayong December 17 kahit pa umabot ito ng magdamagan o hanggang madaling araw.









