Ipinalilipat ni Assistant Minority Leader at Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas ang bahagi ng pondo ng Build, Build, Build (BBB) Program sa Philippine General Hospital (PGH).
Ang mungkahi ay kasunod ng sunog na tumupok sa third floor ng pagamutan.
Isinusulong ni Brosas na i-realign ang portion o bahagi ng P1.1 trillion na pondo ng BBB Program sa PGH at sa iba pang public hospitals.
Ayon kay Brosas, kulang sa pinansyal ang PGH para gawin ang building at equipment repairs mula sa nangyaring sunog.
Wala aniyang alokasyon para dito sa ilalim ng 2021 national budget.
Hindi aniya dapat na hayaang maging paralisado ang PGH na siyang itinuturing na isa sa pinakamalaking COVID-19 referral hospitals sa bansa.
Kinukwestyon pa ng kongresista ang pamahalaan na patuloy sa pagtatayo ng mga non-essential infrastructure gayong ang ospital ang isa sa pinakamahalaga ngayong pandemya.
Binatikos din ni Brosas ang gobyerno na patuloy na nananawagan ng donasyon at tulong para sa PGH gayong ang sariling pamahalaan ay walang maitulong sa government hospital.