Inilipat ng lokal na pamahalaan ng Agoo, La Union ang bahagi ng pondo para sa pagdiriwang ng kapistahan upang ilaan sa pamamahagi ng fuel subsidy sa mga apektadong sektor.
Ayon sa LGU, ito ay tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na dulot ng kakulangan sa suplay at tensyon sa Middle East, na nakaapekto sa transportasyon, presyo ng bilihin, at iba pang pangunahing serbisyo.
Sa ilalim ng programa, makikinabang sa fuel subsidy ang mga tricycle driver, magsasaka, at mangingisda na kabilang sa mga pinakaapektado ng pagtaas ng presyo ng langis.
Sa kabila ng pagbawas sa gastusin, itutuloy pa rin ang ilang piling aktibidad ng kapistahan tulad ng cooking competition ng dinengdeng, civic parade, street dancing, Rabii ti Mangngalap, civil mass wedding, job fair, at concelebrated mass.
Layunin ng hakbang na matulungan ang mga sektor na higit na nangangailangan habang patuloy na pinapanatili ang mahahalagang tradisyon sa bayan.
Inaasahan namang iaanunsyo sa mga susunod na araw ang detalye ng distribusyon at mga benepisyaryo. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










