Bahagi ng sweldo ng mga sundalo, ido-donate para tulong sa paglaban sa epekto ng COVID-19

Ido-“donate” rin ng mga sundalo ang bahagi ng kanilang sahod bilang pantulong sa giyera kontra sa COVID-19.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Brigadier General Edgard Arevalo, ginawa nila ang hakbang na ito matapos na mapakinggan ang sinabi ng Pangulo kagabi na kulang ang pondo ng gobyerno para pangontra sa epekto ng COVID-19 sa bansa.

Kaya naman lahat ng opisyal at miyembro ng AFP, mula sa pinakamataas na Heneral, hanggang sa pinakamamabang ranggong private ay magbibigay ng halaga base sa kung magkano ang kanilang sweldo.


Sinabi ni Arevalo, si AFP Chief of Staff Gen. Filemon Santos Jr. na may pinakamataas na sahod sa AFP, ay magbibigay ng ₱10,484, habang ang mga lowest ranking soldiers ay magbibigay ng ₱100.

Paliwanag ni Arevalo, ang mga halagang ito ay ibabawas mula sa kanilang sweldo sa susunod na buwan, dahil naibigay na ang kanilang mga sahod para sa Abril.

Dahil dito makakalikom ang AFP ng ₱16,953,490.04 na ibibigay ng AFP Chief sa Office of Civil Defense para ipambili ng mga medical supplies at equipment.

Facebook Comments