Bahagyang pagbilis ng inflation, hindi dapat ikabahala —Palasyo

Tiniyak ng Malacañang na walang dapat ipangamba sa bahagyang pagbilis ng inflation noong Setyembre na naitala sa 1.7%, bahagyang mas mataas kumpara sa nakaraang buwan.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nakipag-ugnayan na ang Palasyo sa economic team ng administrasyon at tiniyak ng mga ito na nananatiling nasa loob ng target projection na 2% hanggang 4% ang inflation rate.

Dagdag pa ni Castro, malayo pa ang kasalukuyang antas sa upper limit ng inaasahang projection kaya’t kontrolado pa ang sitwasyon.

Binigyang-diin din ni National Economic Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan at Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs Frederick Go na ang pangunahing dahilan ng bahagyang pagtaas ay ang pagmahal ng gulay bunsod ng sunud-sunod na bagyong tumama sa bansa.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), mas mabagal pa rin ang September inflation ngayong taon kumpara sa 1.9% na naitala noong Setyembre 2024.

Giit ng Palasyo, mananatiling nakatutok ang economic team upang masiguro na mapapangalagaan ang presyo ng pangunahing bilihin at hindi maaapektuhan ang kabuhayan ng mga Pilipino.

Facebook Comments