Manila, Philippines – Nanindigan ang Malacañang na walang dapat ikabahala ang publiko sa naitalang 1.3 percent inflation rate ng bansa para sa buwan ng Nobyembre.
Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, matagal nang nasolusyunan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno ang pagtaas inflation rate ng bansa na lumobo pa nga sa 6.7 percent noong nakaraang taon.
Binigyang-diin ng kalihim na sa nakalipas na labing-isang buwan, naglalaro lamang sa 2.5 percent ang average inflation rate ng bansa at pasok sa target range na itinakda ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Binanggit pa ng Palasyo ang pahayag ng Department of Finance (DOF) na pamamagitan ng karampatang fiscal at monetary policies ng pamahalaan ay hindi maaapektuhan ang bansa ng nagpapatuloy na trade war at maiiwasan ang anumang maaaring makapagpabagal sa takbo ng ekonomiya ng Pilipinas.
Tiniyak ng Malacañang na patuloy na ipatutupad ng economic managers ng administrasyon ang naturang mga polisiya upang mapanatiling mababa ang presyo ng mga pangunahing bilhin para sa mga consumer kasabay naman ng magandang takbo ng ekonomiya ng bansa.